Namulat na ang mata ni Jun-Jun. Bagong gising siya sa kanyang bagong mundong ginagalawan - kung saan hindi siya mag-isa, kung saan karamay niya ang mga taong kaparehas niya ng kapalaran. Hindi pa din siya makapaniwala sa kanyang bagong mundo, malayo sa kanyang nakasanayan. Halos isang buwan pa lang siya doon, kaya medyo sariwa pa din sa kanyang alaala ang mapait na karanasan niya.
Sa loob ng selda, limang ka-kosa ang kasama niya. Nakapiit sila sa kung saan sakto lamang para sa kanilang anim ang lugar. Mahimbing pa ang tulog ng mga kasama niya, kung kaya’t pinili niya na lang na umupo sa isang sulok at pagsisihan ang kamaliang ginawa niya. Pilit siyang nangangarap ng muling pagbalik sa nakaraan. Paniwalang-paniwala na siya ngayon na laging nasa huli ang pagsisisi.
Hindi na nagtagal at bumangon na din ang naging matalik niyang kaibigan sa loob ng kulungan, si Jonjon. Nag-umpisa ang malalim nilang pagkakaibigan nang matawa sila sa pangalan ng isa’t isa dahil halos magka-tunog nga naman. “Iniisip mo nanaman ba iyon?” tanong ni Jonjon. Hindi na lamang sumagot si Junjun at napangiti na lang. Tahimik ang dalawa habang parehes na sinasariwa ng kanya-kanyang iniisip. Sinasariwa ang mga ito habang nakatingin sa kawalan at minamasdan ang wala. Agiw ang mga nasa sulok ng kisame ng piitan. Maduming pinturang puti naman ang nasa pader, na iniisip ni Jun-Jun ay sana sa muli niyang pagmulat matapos kumurap, wala na ang maduming puting pader na nasa paligid niya. Sa gitna ng pananahimik ng dalawa, isang bantay ang dumaan sa tapat ng kanilang piitan. Pansamantalang tinigilan ni Jun-Jun ang pag-iisp at naglakas-loob na lang mag-sabi at magpaalam sa bantay na parak kung pwede ba siyang makagamit ng panlagay ng tato. Matalim man tumingin ang bantay, hindi na ito nag-inarte pa at pinahiram na rin ang binatilyo.
“Lagyan mo naman ako ng tato sa siko” pakiusap ni Jun-Jun sa kaibigan. “bilog ang gusto ko. Paborito kasi ni ermat na kurut-kurutin ‘tong siko ko e. bata pa lang ako ganoon na.” Hindi na umangal ang kanyang kaibigan at pinagbigyan ang kayang munting pakiusap. Naudlot muna panandalian ang kanyang pangungulila sa mga tao sa labas at mahal niya sa buhay na ngayon ay hindi na niya kasama sa bagong mundong kinasasadlakan niya.
Unang araw ng pag-pasok ni Junjun sa unibersidad sa bagong taon, pero hindi ito ang opisyal na unang araw ng pagbabalik ng klase. Ilang araw din kasi niyang ipinahinga ang kanyang kaliwang kamay matapos maputukan ng plapla noong sinalubong niya ang paghihiwalay ng taon. Wala na siyang hintutro at halos nakadikit na din ang kanyang hinlalaki sa kanyang lapnos na palad. Hindi siya pumasok, naninigarilyo lang siya sa labas ng gusali ng unibersidad. Punong-puno ng galit at poot ang kanyang nararamdaman kaya nagdala siya ng isang plapla na natira at hindi niya na nagamit. Gusto niyang maghasik ng kaunting lagim. Gusto niyang may mabiktima din siya ng pananakot gamit ang sandata niyang plapla. Patuloy pa din ang kanyang paninigailyo hanggang sa maya-maya pa’y mayroong isang estudyanteng babae na naka-bakpak ang padaan sa kanyang harapan. Napansin niya na nakabukas ang siper ng bag ng babae. Nakaisip siya ng napakagandang ideya. Parang may isang maliwanag na bumbilya ang bigla na lamang sumulpot mula sa kanyang bumbunan. Gamit ang sigarilyo, sinindihan niya ng plaplang hawak niya sa kanyang kanang kamay at dali-daling inipit sa bag ng babae. Hindi siya nahalata nito, kaya mabilis din ang kanyang pagtakas palayo sa babae. Parang walang nangyari. Walang nakakita sa kanyang ginawa, walang pwedeng maging testigo. Matapos ang ilang saglit, nang nasa mas malayong distansya na siya sa babae, dumating na ang kanyang inaasahan, ang pagputok ng plapla sa bag. Nagulat ang babae at hindi malaman ang kanyang gagawin. Nagmamasid lang si Jun-Jun mula sa malayo pero parang wala siyang reaksyon. Wala siyang naramdamang hiya sa kanyang sarili sa kalokohang ginawa niya. Wala din naman kasing nakakita sa kanya. Nagkagulo ang mga tao, iyak ng iyak ang kawawang biktima ng mumunting lagim ni Jun-Jun. Balewala lang iyon sa kanya, lumipat na siya ng pwesto kung saan alam niyang dadaan ang kanyang totoong kinaiinisan, kinasusuklaman at kina-uugatan ng kanyang sama ng loob sa mundo, ang kanyang propesor. Bisyo ni Jun-Jun ang paninigarilyo kaya lagi siyang mayroon nito. Nang Makita na niya ang kanyang inaabangan, tinapon na niya ang sigarilyong kani-kanina’y hinihithit. Gamit ang kanyang tunay na sandata, ang balisong, ginilitan niya ang leeg ang kanyang propesor. Dumanak ang dugo, madaming nakasaksi. Hindi natalsikan ng dugo sa damit si Jun-Jun dahil inatake niya ang propesor mula sa likod. Matapos niyang gawin iyon noong sandaling iyon, isang patak ng luha mula sa kanyang mata ang mahinahong lumagpak sa pwestong kinatatayuan niya. Kasunod ng luha na bumagsak ay ang balisong na hawak niya na may bahid ng dugo at naging daan upang masadlak siya sa kanyang bagong mundo.
Unico hijo si Jun-Jun. Sobrang malapit ang loob niya sa kanyang nanay kaysa sa tatay niya. Mayroon pa sana siyang mas nakakatandang kapatid kung hindi lang iyon namatay matapos ipanganak. Nang iluwal si Jun-Jun, pinagtuunan siya ng pansin ng kanyang mga magulang lalo na ng kanyang nanay, dahilan kung bakit naging sobrang malapit siya dito.
Masaya ang kanyang pamilya hanggang sa isang araw, ilang lingo bago sumapit ang araw ng pasko, nagpaalam ang kanyang nanay na uuwi muna sa probinsya dahil may kung anong aayusin at aasikasuhin. Nalungkot si Jun-Jun dahil unang beses na malayo sa kanya ang nanay niya pero kahit paano’y patuloy pa din naman ang kanilang komunikasyon. Mas lalong nalungkot si Jun-Jun nang dumating ang araw ng pasko dahil iyon ang unang pasko na hindi niya kasama ang minamahal niyang nanay. Dalawa lang sila ng kanyang tatay na naghanda para sa pasko at ang nakadagdag pa sa kanyang kalungkutan ay ang kalasingan ng kanyang tatay kaya hindi din sila gaanong nakapagsalo. Sa halip na kaligayahan, katulad noong mga nakaraang taon simula pagka-bata niya, ang maramdaman niya sa panahon ng kapaskuhan, nabalot ng kalungkutan dahil sa sunod-sunod na pangyayari at pagtataka ang naramdaman ni Jun-Jun. Gabi-gabi, simula disperas ng pasko, ay naglalasing ang tatay niya at tila may problema na hindi niya matukoy at hindi niya makuha ang sagot kahit ilang beses pa niya itong kulitin.
Dahil sa mga pangyayari, nakaramdam ng sobrang depresyon si Jun-Jun. Araw bago magpalit ng taon, umalis siya sa kanilang bahay para maghanap ng mapaglilibangan. Ilang lugar din ang napuntaahan niya pero bago lumubog ang araw, napagdesisyunan niya na kumuha ng isang pokpok na babae bilang tugon sa kanyang ninaais na libangan. May ilang libo pa namang laman ang kanyang pitaka na sapat para sa pambayad niya sa pokpok, pambayad sa motel na papasukan at pamasahe pauwi sa bahay nila. Napag-desisyunan niya na ang paghahanapan nila ng kanyang pokpok ng motel na mapapasukan ay sa lugar na malayo sa inuuwian niya, para na rin sa seguridad na walang makakakita sa kanya na kakilala niya. Sa kanyang pagkabigla, nakita niya ang kanyang mahal nanay na kasama ang kanyang propesor, gayong may asaw din ito, na papasok sa dapat din sanang papasukan niyang motel. Siya ang nakakita ng hindi inaasahan sa halip na sa kanyang haka na may maka-kita sa kanya nang hindi inaasahan. Putlang-putla at hindi makapaniwala sa kanyang nakita, sinundan niya nang patago ang dalawa para siguraduhin kung tama ba ang nasaksihan ng mga mata niya. Hindi siya nagkamali. Hindi niya na din tinuloy ang balak na pakikipag-libangan at pakikipag-talik sa pokpok na nakuha niya, sa halip ay umuwi na lang siya. Hindi na rin nakuha ng pokpok ang dapat na bayad sa kanya. Hindi niya sinabi sa tatay niya kung ano ang nakita niya, naramdaman na niya na iyon ang dahilan ng patuloy na pag-lalasing ng tatay niya. Halos mabaliw si Jun-Jun dahil sa nakita niya. Gumawa siya ng paraan para makabili ng paputok, naisip niyang doon na lang ilabas ang lahat ng lungkot, depresyon at sama ng loob. Naputukan siya ang plapla na gamit niya, naputol ang hintuturo. Agad naman siyang isinugod sa pinakamalapit na ospital. Manhid ang kanyang pakiramdam noong mga oras na iyon. Mas ramdam niya ang sakit ng pagtataksil ng kanyang nanay sa kanila ng kanyang tatay. Mas masakit para sa kanya ang kanyang nararamdaman kaysa sa pagka-putol ng kanyang hintuturo sa kaliwa at pagka-lapnos ng kanyang palad.
Hindi niya inaasahan ang lahat ng mga pangyayari. Malapit din siya sa kanyang propesor na nakita niyang kasama ng nanay niya. Paborito niya iyon dahil para sa kanya ay magaling iyon magturo at paborito din niya ang kurso na tinuturo niyon. Mahusay at matalinong estudyante si Jun-Jun. Bata pa lang ay nakikitaan na siya ng potensyal, hindi lang ng kanyang mga magulang kundi pati na rin ng mga ibang tao. Sa kasawiang-palad, hindi niya nagamit ng tama ang kanyang pag-iisip noong sandaling ginilitan niya ng leeg ang kanyang propesor. Sa isang iglap, nailabas niya ang lahat ng galit na kanyang nararamdaman, at sa isang iglap din, gumuho ang mundong ginagalawan niya at nalipat siya sa lugar kung saan marami siyang kasama na halos kaperhas niya ng kapalaran o di kaya naman ay biktima ng mali at bulag na katarungan. Sa kanyang kaso, hindi nabulag ang katarungan, siya ang nabulag. Nabulag sa dilim na dala ng hinagpis at galit kaya hindi na niya nakita ang daan na dapat sana’y kanyang tatahaikin.
Natapos na ang paglalagay sa kanya ng tato ng kaibigan niya. Balik na sa normal ang buhay niya sa bagong mundo niya – manahimik, mangarap, magsisi.