Na-realize ko lang, maswerte pa rin pala ako. Kahit paano hindi ko pa naranasan ‘yung mga ibang hirap na pinagdaanan ng ibang tao.
Nung isang gabi lang, mayroon akong nakausap – isang kapangarap. Lumapit siya sa akin at nanghihingi ng kaunting tulong. Gusto niya sanang temporarily masangla yung kanyang portable DVD dahil kinakapos na din siya. Pang-galaw lang niya sa loob ng isa o dalawang lingo. Wala naman akong dalang extrang pera noong gabing iyon, kaya ang initial na tulong na inalok ko sa kanya ay samahan siya sa quiapo kinabukasan ng umaga para mabenta yung portable DVD niya.
Nagka-kwentuhan, nagka-kwentuhan. Habang nag-uusap kami, naramdaman ko na ang bigat pala sa loob niya na ibenta yung ka-isa isang pamana sa kanya ng kanyang tita. Ang hirap nga naman pakawalan dahil may sentimental value talaga ang gamit na iyon sa kanya. Naisip ko bigla sa sarili ko, “Ako na lang kaya muna ang magtabi nito para sa kanya. Para assured siya na makukuha pa din niya yung gamit niya.” Pero hindi pa naman sobra yung nasa bulsa ko para maibigay sa kanya.
Nag-kwentuhan lang kami. Tahimik lang ako. Nakikinig. Nag-mamasid. Grabe. Sobrang blessed pa rin pala ako. Ang dami na niyang pinagdaanang hirap sa buhay na hindi ko pa nararanasan. Hindi ko pa nasubukang maglakad mula Cubao hanggang Greenhills, Greenhills pabalik sa Cubao, nang wala pang kain, para lang maka-attend sa mga activities sa office. Hindi ko naranasang magtrabaho sa Mcdo habang nag-aaral. Hindi ko pa naranasang pilahan ang mga “Free Taste” sa grocery dahil dalawang araw na akong hindi kumakain. Hindi ko pa naranasang katukin sa tinutulyan ko dahil ilang buwan na akong hindi nakakapagbayad ng renta.
Pero kahit ganoon yung pinag-uusapan namin, kitang kita ko pa rin sa kanya yung ngiti galing sa puso. Hindi lang yung ngiti na nakikita lang sa mukha. Sa lahat ng mga pinagdaanan niya, hindi siya nawalan ng pag-asa. Parang ang nasabi ko lang, “Pampa-sarap lang yan. Pampa-ganda lang ‘yan ng kwento mo.” Ang dami kong natutunan sa kanya – mainly, laban lang sa buhay.
Ilang oras kami magkakasama. Tatlo kasi kami. ‘Yung isa, ‘yung kaibigan ko na halos ganoon din ang kwento dati na ngayon ay nagsisimula nang mabago ang buhay. Hanggang sa nagdesisyon na kaming umuwi. Medyo lumalalim na din kasi ang gabi – madaling araw na nga eh. Wala na kaming masakyan. Inumpisahan namin maglakad. Isang oras din iyon. Pero nag-stop over kami sa 711 para bilihan ng pagkain at inumin si kapangarap (na naging kaibigan na).
Nung nakauwi na ako. Nagsimula akong mag-reflect. Ang dami ko palang mayroon na pwedeng pwede ko i-share. Nag-isip ako ng mga bagay na pwede ko’ng i-share sa mga tao. Ang dami pala.
Kinbukasan, ginawan ko na lang ng paraan na sa akin na lang masangla yung portable DVD niya. At least makukuha pa niya. Kaysa naman mabenta pa sa quiapo. Nang magkita kami at mag-usap, sobrang naiiyak ako pero pinigilan ko na lang. Naiiyak ako kasi naramdaman ko yung saya at tuwa sa kanya! Hindi maipaliwanag yung nakita ko eh!
Sabi niya sa akin, makakabawi din daw siya sa akin. Sinagot ko ng “Hindi na kailangan. Ipasa mo na lang sa iba.” Isa ito sa mga bagay na hindi ko makakalimutan buong buhay ko.
Simula noong gabing iyon, mas lalo ko’ng na-appreciate yung mga bagay na mayroon ako, mga bagay sa paligid ko, at yung mga tao sa paligid ko. Dati kasi, hindi masyado. Pero ‘yung mga materyal na bagay na mayroon ako (at magkakaroon), hindi ko naman madadala sa langit kapag namatay ako. Ang mas mahalaga lang sa araw na mamamatay ako, “Ilang tao ba ang natulungan ko, gamit ang lahat ng mga blessings na binigay Niya sa akin, at mga bagay na pinahiram Niya sa akin?”
Isa sa mga natutunan ko sa mga mentors ko, “The only way for me to live forever is to place a good memory in the hearts and minds of as many people as I could.” Tama nga naman.



















































