Wala nanaman ako'ng magawa. Tulog na ang sangkatauhan, wala nang online sa multiply, friendster at facebook pero gising pa rin ako. Medyo inaantok na ako pero tinatamad pa ako'ng matulog. Tinatamad pa rin ako'ng mag-sipilyo para keri na'ng matulog.
Ano na nga ba? Nasaan na nga ba ang utak ko? Pakiramdam ko hindi na gaanong gumagana ang utak ko simula nang mapahinga mula sa sobrang pag-gamit. Slightly used na yata ito ngayon - parang utak daw ni Merbs sabi ni Buybuy (hindi ito plagiarism ha. ang purpose laman nito ay para ma-develop ang essay, wala nang iba. Wala din namang identity).
Gusto ko na'ng maghanap ng trabaho. Noong una, gusto ko na magpaka-bum muna sa bahay nang ilang buwan. Pero nung nalaman ko ang problema ng tatay at nanay ko, nabagabag ang loob ko at gusto ko na lang na magtrabaho. Nakakalungkot kasi. Nakaka-irita din. Nakaka-badtrip. Nakaka-dismaya. Nakaka-manhid.
Wala nanaman yatang pupuntahan itong sulat na ito. Kausap ko nanaman ang sarili ko sa gitna ng katahimikan ng mga bagay-bagay at tao-tao sa paligid ko. Literal at figurative ang sinasabi ko na katahimikan. Mayroong mga tulog, mayroon din namang hindi nagpaparamdam. Oo nga naman, buti pa 'yung multo sa itaas ng kwarto, nagpaparamadam. Patakbo-takbo lang siya doon. Pa jogging-jogging. Pa lundag-lundag. Pa ramdam-ramdam. Buti pa 'yun halos gabi-gabing nagpaparamdam eh. Buti pa 'yun.
Nakakairita. Iritang-irita ako maghapon. Pakiramdam ko napaka-kulit ng mga tao sa paligid ko. Parang wala nang bukas kung mangulit. Hindi naman masama, nataon lang talaga na may dalaw yata ako.
Kapag ganitong panahon na wala talaga ako'ng magawa kundi babarin ang sarili ko sa tapat ng kompyuter at hayaan ang sarili ko na maka-experience ng techno-stress...
... naputol na ang sasabihin ko. Bitin. Parirala la lang 'yun, hindi kumpletong pangungusap.
Naalala ko tuloy 'yung mga assignment ko noong elementary ako.
-- LAGYAN NG ISANG SALUNGGUHIT ANG SIMUNO AT DALAWANG SALUNGGUHIT ANG PANAGURI.
-- LAGYAN NG BILOG ANG POKUS NG PANDIWA.
-- LAYAN NG TSEK KUNG PANGUNGUSAP AT EKIS KUNG PARIRALA
-- MAGBIGAY NG SAMPUNG HALIMBAWA NG PANGGALAN, PANGHALIP, PANG-URI, PANDIW AT PANG-ABAY
Tama nga naman si Eros Atalia. Saan mo nga naman gagamitin sa pang-araw-araw na buhay mo ang pagsalungguhit, pag-bilog, pag-square at kung ano-ano pang kalokohan na tinuro sa atin noong elementary pa tayo. Hindi mo naman magagamit iyon sa totoong buhay. Hindi mo naman masasalungguhitan ang mga iyon, matututunan mo lang.
Ewan ko ba kung bakit parang sinasaniban yata ako ng espiritu ni Eros. Siguro dahil sa goatie ko na mukha namang pubic hair sa nipis. 'Di tulad ng kanya, makapal talaga. Pero hindi rin. Idol ko talaga 'yung mokong na iyon. Madami akong natutunan sa kanya.
Segue, segue, segue...
Naisip ko lang, mahirap palang umasa 'no? Ilang beses ko nang naranasan ang umasa. Umasa sa isang bagay na akala mo makukuha mo pero hindi naman pala. Nakakaloko pala 'no? Para kang sinasampal ng beachwalk na flip flops sa pisngi araw-araw. Parang isa-isang binubunot ang buhok mo sa kili-kili bawat segundo. Parang isa-isang tinatanggal ang mga kuko mo. Parang tinutusok ng karayom ang loob ng tainga mo. Para kang kunukurot ng pagong sa singit. Para kang pinipitik sa itlog, pag gumalaw, ulit. Higit sa lahat, parang tinatanggalan ng veins and arteries ang puso mo araw-araw. Sa madaling salita, TORTURE. Para kang tino-torture araw araw.
Nakakapagod din pala umasa ano? 'Yun ba'ng pinangakuan ka, pero pinako. Sa dami ng pangako na pinako, pwede nang bumuo ng bahay na yari sa mga salitang nabulok na sa kahimuturan ng lalamunan ko. Kung nakaka-yaman lang siguro ang pag-asa, ang yaman ko na siguro. Bata pa lang ako nararanasan ko na 'yun eh. Jahe talaga.
Pero ang pinakamalupit, 'yung akala mo nasa kamay mo na, 'yun pala ay imagination mo lang.












































