Wednesday, January 27, 2010

Kwentong Daga

Gusto ko lang i-share itong isang kwento na narinig ko galing sa isang training/lecture sa school na in-enroll-an ko.

_________________________________________________

Isang araw, mayroong isang daga na hinahabol ng pusa. Paborito nga naman pagpyestahan ng mga pusa ang mga daga noong araw. Halos isang oras silang naghahabulan hanggang sa nakahanap na ng pagtataguan si daga.

 

Nagdasal ngayon si daga. “Lord, please gawin Mo po akong pusa. Para hindi po ako gawing hapunan nitong pusa na humahabol sa akin.” Dahil mabait si Lord, pinagbigyan siya. Sa isang iglap, naging pusa na si daga!

 

Nang lumabas siya, hindi na siya hinabol – dahil pusa na siya.

 

Naglakad siya ngayon. Siguro naghahanap ng makakain. Maya-maya, aso naman ang humabol sa kanya! Mortal na magka-away nga naman ang aso’t pusa noong araw. Isang oras nanaman silang naghabulan hanggang sa nakatago ni si daga-na-ngayon-ay-pusa.

 

Dahil pala-dasal si daga-na-ngayon-ay-pusa, nagdasal na siya ulit. “Lord, please gawin mo po akong aso. Para hindi po ako malapa nitong aso na humahabol sa akin.” At dahil mabait talaga si Lord, dininig ulit yung dasal niya. Sa madaling salita, naging aso na siya! Siya na ngayon si daga-na-naging-pusa-na-naging-aso.

 

Ganoon ulit. Hindi na siya hinabol paglabas niya.

 

Napadpad ngayon si daga-na-naging-pusa-na-naging-aso sa gubat. Naglalakad, naglalakad. Hanggang sa nakita siya ng isang leon! Isang oras nanaman siyang nakipag habulan! Buti na lang at nakapag-tago siya ulit sa isang batuhan.

 

Sa pangatlong pagkakataon, nagdasal ulit si daga-na-naging-pusa-na-naging-aso. “Lord, please gawin mo po akong leon. Ayaw ko po maging hapunan nitong leon na humahabol sa akin.” Sa unang pagkakataon, sumagot si Lord. “Kahit ano’ng gawin Ko sa’yo, kahit dinggin Ko pa lahat ng dasal mo, kung ikaw ay utak-daga pa rin, wala pa din mangyayari sa’yo.”

_____________________________________________________

 

Sobrang na-inspire ako sa kwentong ito! Simple lang naman yung moral lesson nung istorya, and the last line says it all.

 

Dito ko na-realize kung gaano ka-importante ang growth – sa sarili, sa kapwa, sa career, sa buhay. Kahit ano’ng blessings pa pala ang ilatag sa akin ni Lord, kung magpapaka-utak-daga din ako, hindi ko din pala ma-aapreciate – hindi ko din pala magagamit nang tama.