Sunday, July 25, 2010

Kalahating Oras

May mga bagay talaga na mahirap sabihin, pero masarap gawin. Gusto'ng gusto ko na hintayin siya at ihatid, pero parang hindi ko masabi. Iniisip daw kasi niya kung babalik pa siya sa school, dahil doon din naman ang daan niya pauwi - o mag-iba na lang siya ng ruta. Ako naman, nasa school at nag-iisip ng gagawin. Pero bakit hindi ko masabi na gusto ko siyang ihatid kung sakali man na babalik siya sa school. 

Paalis na dapat ako, sa pag-aakalang iba na ang dadaanan niya. Pero sabi niya, pabalik na din daw siya. Buti na lang at hindi pa ako nakakalayo. Pumirme na lang ako sa isang tabi.

Pangatlong beses namin magkikita (simula noong araw na nagkakilala kami). Sobrang excited ko! Sakto, dala ko yung ibibigay ko talaga sa kanya. Hinintay ko siya sa may catwalk. Ilang minuto pa, mayroon akong nakita sa kabilang side ng street na parang siya yata. Hindi ko naman maaninag masyado dahil medyo may kalabuan ng kaunti ang mata ko. Nang lumingon, siya na nga!

Habang naglalakad ako patawid para puntahan siya, parang napakadaming nag-flush sa utak ko! Nakakatawa man isipin, pero naimagine ko na sa gitna ng kalsada kami magkakasalubong! Tumawid ako papunta sa kanya. "Kumusta!? Tara, upo muna tayo. Napagod ka yata sa byahe." Gusto'ng gusto ko talaga yung moment na tatawid ako papunta sa kanya! Literal, parang ang bagal bigla ng mundo. Para akong naka-juts (pero hindi naman).

Kwentuhan sandali. At saka binigay ang simpleng regalo para sa kanya. Remembrance. Tuwing may kausap ako, nasanay na ako na tumingin sa mata ng kausap ko. Tuwing nagsasalita tuloy ako, ang gaan-gaan ng pakiramdam ko. Pero parang nauutal ako at parang may kulang lagi sa mga sinasabi ko.

Hindi na din kami nagtagal dahil kailangan niya na din umalis. Medyo late na din kasi at madami pa siyang gagawin na homework. 

Ako : "Hatid na kita."
Siya: "Hindi, okay lang."
Ako : "Hindi. Okay lang din."
Siya: "Hindi, okay lang talaga."
Ako: "Minsan lang ako magyaya. Pagbigyan mo na ako."

May ilang beses din naulit 'yang pag-uusap na 'yan hanggag sa nag-aabang na kami ng masasakyan. 

Siya: "Ipara mo na lang ako ng masasakyan."
Ako: "Sige, pero ihahatid kita."
Siya: "Nakakahiya naman sa'yo. Wag na."
Ako: "Naman, ngayon ka pa nahiya. Pag-bigyan mo na ako. Please? Kahit hanggang Taft lang."
Siya: "Sige na nga."

Nakapara na kami ng masasakyan. Dun kami sa likod ng FX nakaupo. Sakto, pang dalawang pasahero. Medyo madami din kaming napagkwentuhan. Parang ayaw ko na nga bumaba nung mga sandaling iyon. Naisip ko na sana byaheng Cavite na lang, para dalawang oras ang byahe. Pero hindi. Hanggang Pedro Gil lang siya - kung saan madaming magkakatabi na 7-11. 

Pag baba namin, "Ako na magbibitbit ng bag mo." sabi ko. Pero ayaw niyang ibigay sa akin. 'Yung kamay ko naman, nakaporma lang sa harap niya na parang sampayan ng bag. Ayaw niya talaga eh. Pero higit sa bag at kung anuman, tuwang tuwa ako nang um-apir siya sa kamay ko! Oops, parang gusto ko i-pause!

Hinatid ko siya sa sakayan ng jeep.

Ako: "Ingat ka ha. Text mo ako pag nakauwi ka na."
Siya: "Oo. Salamat. Ingat ka din."
Ako: "Salamat, hinayaan mo ako na ihatid ka." (pero hindi na niya narinig ang sinabi ko na ito)

Pabalik, habang nasa bus ako, narealiza ko na 30 minutes lang pala kami magkasama. Pero sobrang worth it! Sobrang saya! Nakaka-gaan ng pakiramdam.