Sunday, November 6, 2011

Thought for the Day

Love - a state of emotion wherein one is willing to give up his/her own happiness just so the other person can experience joy, happiness and freedom.

Thursday, November 3, 2011

Finally!

Tatlong taon na ang nakalipas - mahigit pa. Hindi ko mabilang kung ilan ang naka-date, nakalandian, o naka-"MU" ko sa loob ng tatlong taon. Sa totoo lang, hindi ko na nga maalala ang pangalan ng iba. Nagdala sila ng kilig, oo. Pero hanggang doon lang. Panandaliang kilig sa panandaliang kalungkutan. 

Labelled ako na chickboy ng mga kaibigan at kakilala ko. Kulang pa pala. Chickboy na choosy. Ang dami ko daw babae, pero bakit wala pa din akong girlfriend. May mga iba na nagsasabi na hindi daw kasi ako seryoso. Seryoso naman ako, kaya nga kahit sa dami ng babae na naka-date, nakalandian o naka-"MU" ko sa loob ng tatlong taon, wala akong napipili kasi gusto ko ay 'yung pang-seryosohan din. May ilang dumating din naman na pang-seryosohan, pero takot pa ako noong mga panahon na iyon - takot mag-commit kasi alam ko sa sarili ko na hindi pa ako handa. Mahirap naman kung siya lang ang handa, tapos ako, hindi pa pala. Masasaktan ko lang 'yun.

Pwede mo'ng tanungin sa akin, "eh bakit ka pa nanlalandi kung hindi ka pa pala handa?" Ang point ko naman, single naman ako. Bakit hindi ko i-try para malaman ko kung may spark? Kaya lang, kadalasan, wala talaga at siguro dahil ang choosy ko nga.

Sa totoo lang, ang dami kong nasaktan dahil din sa pagka-choosy ko - directly or indirectly na sinabi sa akin. And I'm sorry for that. Really sorry. Uulitin ko, kaysa naman umasa siya tapos hindi pa pala ako handa. Naalala ko lang bigla ang sinabi ng isang manghuhula sa nanay ko (na kinwento lang niya sa akin) noong grade 5 yata ako. "Yung panganay mo, gwapo. Madaming papaiyaking babae 'yan. Sabihin mo. mag-ingat." Verbatim yan, hinding hindi ko makakalimutan 'yan. Ay, oo nga pala. Hindi pa pala ako nakikita nung manghuhula noong sinabi niya iyon sa nanay ko. Narealize ko, ayan dahil sa sobrang pagka-choosy ko, madami tuloy akong nasaktan (at napaiyak).

Sa loob ng mahigit tatlong taon, may mga nagpakilig, pero walang nagpa-baliw sa akin. Alam ng mga kaibigan at pamilya ko kung paano ako mabaliw. Nasaksihan nila 'yun buong college years ko - lahat ng mga kabaliwang bagay na ginawa ko para sa babae at para sa sarili ko. Kahit masaya o masakit, basta baliw ako, walang nakakapigil sa akin. Ngayon, masasabi ko sa sarili ko at sa ibang tao na "Oo, handa na ako ulit. Handa nang magmahal at masaktan. Dahil ito sa isang tao na nagpapabaliw sa akin ngayon. Kaya lagi din akong nagpapasalamat sa kanya." 

Alam mo ba 'yung pakiramdam na ang sarap kumanta ng love songs? Eh 'yung simula pag gising hanggang bago matulog, para kang high dahil nakangiti ka? Eh 'yung habang naglalakad ka sa kalsada, kinikilig ka mag-isa at nakikita ka ng madaming tao? Eh 'yung kahit saan ka tumingin, naaaninag mo ang picture niya? Eh 'yung magising ka sa umaga nang mas masaya kaysa kahapon? Eh 'yung habang tina-type ko ito ay kinikilig talaga ako nang matindi? Eh 'yung matulog ka sa gabi na abot tenga ang ngiti?

Sa lahat ng mga pinag-gagawa ko sa buhay, madami akong natutunan. Isa sa mga paborito ko ay ang "magmahal nang walang hinihinging kapalit". Madami kasing tao na kapag sinabi niya na mahal niya ang isang tao, gusto niyang marinig na mahal din siya ng sinabihan niya. Sabi nga ng isang propesor ko noong college, "Ang sabi ko, mahal kita. Hindi ko sinabing mahalin mo din ako." Masakit, syempre kapag hindi ito na-reciprocate. Pero sa panahon na handa ka nang masaktan, doon lang pala masasabi na handa ka na din magmahal. 

Ngayon ko napatunayan na hindi pala talaga hinahanap ang pag-ibig. Kusa lang pala talaga siyang dumadating. Sa panahon na handa ka na, ibibigay ito sa iyo ni Papa Lord. Kung tatanungin mo ako ngayon ng "boypulbo, in love ka na ba?" ito ang masasagot ko. "Hindi pa. Pero handa na ko. Handa nang umibig at masaktan muli."

Monday, October 31, 2011

I think, therefore, I am

Favorite ko talaga mag blog dito. Lalo na ng mga bagay na personal sa akin. Madami akong ginawang blog pages, pero bumabalik-balik pa din ako dito. Okay lang kahit wala nang gaanong gumagamit ng Multiply. Kung may makakabasa ng mga pinopost ko dito, 'yun ay ang mga tao na interesado talaga sa akin at sa buhay ko (interesado in a sense na may mga gusto pang malaman tungkol sa akin - hindi dahil sa pagkalalaki ko). Kasi, bakit? Hindi ko naman na gaanong nilalantad ang page na ito at ilan-ilan na lang naman ang may alam nito.

Gusto ko lang sabihin na ang saya ko ngayon! Ewan ko ba! Hindi naman ako ganito dati. Ilang taon na din ang binilang simula noong huling nakaramdam ako ng ganitong saya. Sobrang gaan sa pakiramdam, na simula pagkagising hanggang pagtulog ay napapangiti ako. Na parang ang sarap sarap makinig ng mga love songs at sabayan ito ng pagkanta. Na parang literal na sasabog ako tuwing kinikilig ako. Na parang pagkatapos ng ilang taon, may pumasa na - lagi kong banat yan, pero kidding aside, parang pagkatapos ng ilang taon, palagay ko ready na ako ulit. I think, therefore, I am.

Sabi ng isang trainer ko, tingnan mo daw palagi ang bagay na nakakapagpasaya sayo. Sa ganitong paraan, na-anchor ka na gumaan lalo ang pakiramdam at lalong maging masaya. Kaya naman pala lagi lang akong nakatitig sa litrato niya, pati sa mga litrato naming dalawa. Kaya naman pala lalo akung sumasaya.

Pinapaalala ko na lang lagi sa sarili ko na "nourish the feeling, cherish the moment."

Para sa'yo, kilala mo naman kung sino ka. Salamat. Ginigising mo ang matagal ko nang natutulog na damdamin. Hindi ko alam kung hanggang saan tutungo ito, pero pinapasaya mo ako in your own little ways. Selfish ako, oo kasi sariling kasiyahan ko lang ang iniisip ko. Pero sana, kahit paano, napapasaya din kita. 

Tuesday, August 2, 2011

Hi chii. Miss na kita. I dunno if you still open this.

Binura ko yung mga dating posts dito, siguro para makalimutan yung nararamdaman ko para sayo. Pero kung mababasa mo man ito, ayan, may post na ako ulit.

Ingat lagi. Miss na kita, sobra.

Thursday, July 21, 2011

Tanong Lang Naman Po. Huwag Chester (Huwag Dibdibin).

Sa panahon ngayon, sobrang patok na ng internet. Alam mo yan. Alien ka kapag hindi mo alam kung ano ang ibig sabihin ng internet at kung ano ang nagagawa nito sa buhay natin ngayon. Dati, kinikwento sa akin ng mga nakakatanda, magbabasa ka talaga ng libro kapag kailangan mo'ng gumawa ng research. O kaya kung masipag ka talaga at trip mo lang magresearch, kailangan mo'ng magpatalun-talon iba't ibang library. Ngayon, kailangan man o trip mo lang, isang click lang ng "search" sa Google o Yahoo, mahahanap mo na halos lahat. Minsan kasi trip ko na i-search sa internet ang pangalan ng type ko'ng babae. Magpapaka-stalker ako at hahalughugin ko ang buhay niya nang hindi niya nalalaman. Aminin mo, minsan sa talang-buhay mo, ginawa mo 'yan.

Sa gitna ng lahat, may ilang mga tanong lang talaga sa utak ko na hindi ko maintindihan. Una, bakit kaya kailangan i-update ang lahat ng ginagawa sa buhay? Simula sa kung GV o BV ba pagka-gising, hanggang sa pagsakay sa jeep o taxi, hanggang sa may katabing cute, hanggang sa kinain ng tanghalian, hanggang sa kung ano ang #nowplaying, hanggang sa pinuntahan nila ng kanyang jowa, hanggang sa mag-good night sa gabi. At kinabukasan, ganoon ulit. Hindi yata uso sa kanila 'yung term na "privacy". Naisip ko tuloy, interesado kaya ang buong mundo sa kung ano ang pinag-gagagawa nila kaya naka-all out ang kanilang privacy? Sa ngayon, wala pa naman akong nababablitaan na napahamak dahil sinundan ng mamamatay-tao o kaya naman ng psychotic na stalker dahil panay ang post ng ginagawa at kung nasaan. Kung sakali man, payong kaibigan lang. "Post at your own risk". Pero, trip nila 'yun. Walang basagan ng trip.

Pangalawa, bakit kaya kailngan magkwentuhan via comment box? Kaya nga tinawag na comment box at hindi chat box para kumento at hindi kwento ang ilalagay doon. Sa pagkaka-alam ko, hindi naman bawal magkwentuhan at mag-usap via chat box - at iyon naman talaga ang gamit nun. Kaya ba ginagawa 'yun para ipakita sa ibang tao kung ano ang pinag-uusapan? O kaya naman para pwedeng balikan kung anuman ang pinag-usapan kasi otomatik nang naka-save ito? Hindi ko maintindihan, pero trip nila 'yun. Walang basagan ng trip. 

Pangatlo - ito lalo, madalas ko'ng nakikita sa mga babae - bakit kailangang may album sa Facebook na puro mukha niya lang ang nandoon? Pare-parehas ng anggulo, lugar, posing, damit, background at kung anu-ano pa. Kumbaga, parang ilang minuto lang ang pagitan ng kuha ng bawat litrato. 'Yun at 'yun din naman. Alam mo naman siguro kung ano'ng ibig ko'ng sabihin - 'yung tipong para kang maglalaro ng Spot the Difference kapag binuksan mo 'yung album. Ito pa'ng matindi, hindi i-uupload kapag hindi niya "anggulo" ang kuha niya sa litrato. Pangit daw kasi siya sa  ibang "anggulo" na iyon. Pero, ganoon talaga eh. Trip nila 'yun. Walang basagan ng trip.

Pang-apat - parang katulad din ng pangalawa - bakit kailangang mag-usap at kwentuhan via tweets sa Twitter? Sa sobrang uso nito ngayon, updated ka na at pwede na'ng mag-tweet gamit ang cellphone anumang oras at kahit nasaang lupalop ka pa. Ang matindi, sa Twitter na nagkukwentuhan na parang magka-text lang. Kung dati, mayroong tinatawag na "textmates" ngayon mayroon na din yatang "tweetmates". Nalilito kaya sila sa pinagkaiba ng text message at tweet? Para na din kasi silang magkatext habang nagti-tweet. Ang dating nito, para ka'ng nag G.M. - sa sosyal na paraan nga lang. Paraan kaya nila ito para ipamahagi sa sangkatauhan ang kanilang personal na usapan? Kahit hindi naman lahat ay interesado dito. Pero, trip nila 'yun eh. Walang basagan ng trip.

Pang-lima, bakit hanggang ngayon binabasa mo pa din ito? Nandito ka sa isang lumang social networking website na hindi na gaanong binibisita. Siguro dahil nakakarelate ka sa mga sinabi ko dahil may kilala ka'ng ganoon o ikaw mismo ay ganoon. Kahit ganoon pa man, trip mo 'yan at hindi ko babasagin 'yan.