Sa panahon ngayon, sobrang patok na ng internet. Alam mo yan. Alien ka kapag hindi mo alam kung ano ang ibig sabihin ng internet at kung ano ang nagagawa nito sa buhay natin ngayon. Dati, kinikwento sa akin ng mga nakakatanda, magbabasa ka talaga ng libro kapag kailangan mo'ng gumawa ng research. O kaya kung masipag ka talaga at trip mo lang magresearch, kailangan mo'ng magpatalun-talon iba't ibang library. Ngayon, kailangan man o trip mo lang, isang click lang ng "search" sa Google o Yahoo, mahahanap mo na halos lahat. Minsan kasi trip ko na i-search sa internet ang pangalan ng type ko'ng babae. Magpapaka-stalker ako at hahalughugin ko ang buhay niya nang hindi niya nalalaman. Aminin mo, minsan sa talang-buhay mo, ginawa mo 'yan.
Sa gitna ng lahat, may ilang mga tanong lang talaga sa utak ko na hindi ko maintindihan. Una, bakit kaya kailangan i-update ang lahat ng ginagawa sa buhay? Simula sa kung GV o BV ba pagka-gising, hanggang sa pagsakay sa jeep o taxi, hanggang sa may katabing cute, hanggang sa kinain ng tanghalian, hanggang sa kung ano ang #nowplaying, hanggang sa pinuntahan nila ng kanyang jowa, hanggang sa mag-good night sa gabi. At kinabukasan, ganoon ulit. Hindi yata uso sa kanila 'yung term na "privacy". Naisip ko tuloy, interesado kaya ang buong mundo sa kung ano ang pinag-gagagawa nila kaya naka-all out ang kanilang privacy? Sa ngayon, wala pa naman akong nababablitaan na napahamak dahil sinundan ng mamamatay-tao o kaya naman ng psychotic na stalker dahil panay ang post ng ginagawa at kung nasaan. Kung sakali man, payong kaibigan lang. "Post at your own risk". Pero, trip nila 'yun. Walang basagan ng trip.
Pangalawa, bakit kaya kailngan magkwentuhan via comment box? Kaya nga tinawag na comment box at hindi chat box para kumento at hindi kwento ang ilalagay doon. Sa pagkaka-alam ko, hindi naman bawal magkwentuhan at mag-usap via chat box - at iyon naman talaga ang gamit nun. Kaya ba ginagawa 'yun para ipakita sa ibang tao kung ano ang pinag-uusapan? O kaya naman para pwedeng balikan kung anuman ang pinag-usapan kasi otomatik nang naka-save ito? Hindi ko maintindihan, pero trip nila 'yun. Walang basagan ng trip.
Pangatlo - ito lalo, madalas ko'ng nakikita sa mga babae - bakit kailangang may album sa Facebook na puro mukha niya lang ang nandoon? Pare-parehas ng anggulo, lugar, posing, damit, background at kung anu-ano pa. Kumbaga, parang ilang minuto lang ang pagitan ng kuha ng bawat litrato. 'Yun at 'yun din naman. Alam mo naman siguro kung ano'ng ibig ko'ng sabihin - 'yung tipong para kang maglalaro ng Spot the Difference kapag binuksan mo 'yung album. Ito pa'ng matindi, hindi i-uupload kapag hindi niya "anggulo" ang kuha niya sa litrato. Pangit daw kasi siya sa ibang "anggulo" na iyon. Pero, ganoon talaga eh. Trip nila 'yun. Walang basagan ng trip.
Pang-apat - parang katulad din ng pangalawa - bakit kailangang mag-usap at kwentuhan via tweets sa Twitter? Sa sobrang uso nito ngayon, updated ka na at pwede na'ng mag-tweet gamit ang cellphone anumang oras at kahit nasaang lupalop ka pa. Ang matindi, sa Twitter na nagkukwentuhan na parang magka-text lang. Kung dati, mayroong tinatawag na "textmates" ngayon mayroon na din yatang "tweetmates". Nalilito kaya sila sa pinagkaiba ng text message at tweet? Para na din kasi silang magkatext habang nagti-tweet. Ang dating nito, para ka'ng nag G.M. - sa sosyal na paraan nga lang. Paraan kaya nila ito para ipamahagi sa sangkatauhan ang kanilang personal na usapan? Kahit hindi naman lahat ay interesado dito. Pero, trip nila 'yun eh. Walang basagan ng trip.
Pang-lima, bakit hanggang ngayon binabasa mo pa din ito? Nandito ka sa isang lumang social networking website na hindi na gaanong binibisita. Siguro dahil nakakarelate ka sa mga sinabi ko dahil may kilala ka'ng ganoon o ikaw mismo ay ganoon. Kahit ganoon pa man, trip mo 'yan at hindi ko babasagin 'yan.